Friday, June 26, 2009

Mamamatay ka na Kaya?

Kamamatay lang ni Michael Jackson. Gusto mo na bang sumunod? E pa'no mo naman malalaman kung susunod ka na? Pa'no kaya kung mamatay ka ngayon, Ano kaya'ng sasabihin mo kay San Pedro pagsalubong niya sa'yo? "San Pedro, ibalik niyo muna ako, may gagawin pa po ako!" O dili kaya'y,"San Pedro, salamat naman at iniahon mo na ako sa impyernong iyon!" Swerte ka na lang din kung si San Pedro nga ang masalubong mo.

Kung ako ang tatanungin, gusto kong mamatay nang nakangiti. Kasi kung mamamatay akong nakangiti, para bang ang saya-saya ko pagdating ko sa langit (kung do'n nga ako tutungo!). pa'no ba'ng mamatay nang nakangiti? Simple lang, gawin mo na lahat ng gusto mong gawin. Carpe Diem. Lubusin ang bawat araw. Siguro ito 'yung isang itinuro ni Mr. Tejadang 'di ko maalis sa isip ko. Kasi para bang hinahamon akong mamatay nang nakangiti. Mahilig akong tumawag sa mga kaibigan ko at mag-blog gaya rito. Parang si Aya (nagsulat ng One Liter of Tears), natatakot lang siguro akong kung bukas namatay ako't maglaho na'ng sasabihin ko kung 'di ko pa ito ibinahagi ngayon pa lang.

Kung takot ka namang mamatay, 'wag kang matakot. Sabi nga ulit ni Aya (halata bang fan ako? cute kaya nung artista!haha), "Ang hayop at halaman, matagal na nilang alam na mamamatay sila; ngunit ang tao'y maramot, ayaw nilang tanggapin ang katotohanang mamamatay sila." Ano ba'ng dapat ikatakot mo sa kamatayan? Isa lang naman itong simpleng katotohanan ng buhay. Kung ayaw mong tanggaping mamamatay ka rin, para mo na rin sinabing hindi dapat tumae araw-araw ang isang tao. Lahat tayo, tumatae. Lahat tayo mamamatay. Ang tangi nating magagawa sa ngayon ay ang lubusin ang buhay nating nalalabi at mamatay nang nakangiti.

Minsan nga, napanaginipan ko, papasok daw ako ng gate ng paaralan ko noong nasa mababang paaralan pa lamang ako. Matagal na ang setting, gradeschool pa ako. Walang sinuman ang pumapansin sa akin: mga kaklase ko, kaibigan, guro at pati ang gwardiyang binigyan namin ng pizza pie noong Christmas party. Maya-maya pa'y may nakita akong tolda sa gym namin. May nakaburol. Ako pala 'yun at multo na raw ako. 'Di ko naman nakita ang sarili kong nakahiga pero nakita ko ang kabaong ko. Ginintuan ang hawakan nitong mayroong itim na katawan. Akalain mo 'yun?! Ang lungkot-lungkot ko raw kasi 'di na ako pinapansin ng lahat. Ayoko ng gano'ng kaluluwa. Gusto ko nagtatalon sa tuwa dahil sa mga nagawa ko na sa buhay kong lumipas na.

Pero sa ngayon, ayaw ko pang mamatay. Kasi kung mamamatay ako pagka-post ko nito, siguradong nakasimangot ako at hihilingin ko pa kay San Pedrong ibalik ako. 'Di ko pa kasi nakakamit ang lahat ng gusto kong gawin. Pero kung mamatay ako bukas, mamaya o ngayon, tatanggapin ko na rin nang maluwang. Siguro nga e natapos ko na ang nais ng Diyos na gawin ko. Pero, Lord, 'wag na muna! Marami pa akong nais na gawin. Marami pa akong nais tulungan. Marami pa akong nais sabihin.

Wednesday, June 24, 2009

Manga Panalanguin sa manga Fraile

[salamat kay Jerome Ignacio ng http://ereheista.blogspot.com/]

Ang Amain Namin

Amain naming sumasaconvento ka, sumpain ang ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, quitlin ang liig mo ditto sa lupa para nang sa langit. Saulan mo cami ngayon nang aming kaning iyonh inaraoarao at patauanin mo kami sa iyong pagungal para nang pag papataua mo kung kami nacucualtahan; at huag mo kaming ipahintulot sa iyong manunukso at iadya mo kami sa masama mong dila.



Ang Aba Guinoong Baria

Aba guinoong Baria nakapupuno ka nang alcancia ang Fraile'I sumasainyo bukod ka niyang pinagpala't pina higuit sa lahat, pinagpala naman ang kaban mong mapasok. Santa Baria Ina nand Deretsos, ipanalangin mo kaming huag anitan ngayon at cami ipapatay. Siya naua.




Ang Tanda


Ang tanda nang cara- i- cruz ang ipangadya mo sa amin Panginoon naming Fraile sa manga bangkay naming, sa ngalan nang Salapi at nang Maputing binte, at nang Espiritung Bugaw. Siya naua.



Pagsisisi

Panginoon kong Fraile, Dios na hindi totoo at labis nang pagkatuo gumaga at sumalacay sa akin: pinagsisihan kong masakit sa tanang loobang dilang pag-asa lo sa iyo, ikaw nga ang berdugo ko. Panginoon ko at kaauay ko na inihihibic kong lalo sa lahat, nagtitica akong matibay na matibay na dina muli-muling mabubuyo sa iyo: at lalayuan ko na at pangingilagan ang balanang makababacla nang loob ko sa pag-asa sa iyo, macalilibat nang dating sakit nang manga bulsa ko, at nagtitica naman acong maglalathala nang dilang pagcadaya ko umaasa akong babambuhin ka rin, alang-alang sa mahal na panyion at pangangalakal mo nang Cruz, sa pagulol sa akin. Siya naua.;



Ang Aba Po Santa Baria

Aba po Santa Bariang Hari, inagao nang Fraile, ikao ang kabuhayan at katamisan. Aba bunga nang aming pauis, ikaw ang pinagpaguran naming pinapanaw na tauong Anac ni Eva, ikaw nga ang ipinagbubuntonh hininga naming sa aming pagtangis dito sa bayang pinakahapishapis. Ay aba pinakahanaphanap naming para sa aming manga anak, ilingon mo sa aming ang cara- i cruz mo man lamang at saka bago matapos ang pagpanaw mo sa amin ay iparinig mo sa amin ang iyong kalasing Santa Baria ina nang deretsos, malakas at maalam, matunog na guinto kami ipanalangin mong huag magpatuloy sa aming ang manga banta nang Fraile. Amen.

Ang Manga Utos Nang Fraile

Ang manga utos nang Fraile ay sampo: Ang nauna: Sambahin mo ang Fraile na lalo sa lahat. Ang ikalaua: Huag kang mag papahamak manuba nang ngalang deretsos. Ang ikatlo: Mangilin ka sa Fraile lingo man at fiesta. Ang ikapat: Isangla mo ang catauan mo sa pagpapalibing sa ama't ina, Ang ikalima: Huag kang mamamatay kung uala pang salaping pang libing. Ang ikanim: Huag kang makiapid sa kanyang asaua. Ang ikapito: Huag kang makinakaw. Anh ikaualo: Huag mo silang pagbibintangan, kahit ka masinungalingan. Ang ikasiyam: Huag mong ipagkait ang iyong asaua. Ang ikapulo: Huag mong itangui ang iyong ari. Itong sampong utos nang Fraile'I dalaua ang kinaoouian. Ang isa: Sambahin mo ang Fraile lalo sa lahat. Ang ikalaua: Ihayin mo naman sa kaniya ang puri mo't kayamanan. Siya naua.


Ang manga kabohongang asal, ang pangala'i tontogales ay tatlo.


Igalang mo Katakutan mo Ang Fraile At Pag Manuhan mo ..

Tuesday, June 23, 2009

New PAGASA Storm Warning Signal Scheme

The following are the new PAGASA storm warning signals:

signal no. 1: suspended ang klase ng preschool; expect a sunny weather within 24 hours. maghanda ng sunblock lotion kung lalabas.

signal no. 2: suspended ang klase ng hs pababa; within 18 hours, 'wag kang meg-expect ng ulan. maghanda ng lighter o kaya posporo. magandang panahon ito upang sunugin ang tambak ng mga tuyong dahon sa inyong bakuran.

signal no. 3: pati college, wala nang pasok; expect winds and rains up to 1kph na maaaring makasira ng mga sulat sa buhangin ng beach.

signal no. 4: pati mga employees, wala nang pasok; expect rains and winds up to 2kph na makakasira na ng sand castles sa beach maaari nang pumatay ng mga langgam na nangongolekta ng pagkain sa likod-bahay.


Please be guided accordingly.

Thursday, June 11, 2009

Kalayaan vs. Kasarinlan


Taun-taong ipinagdiriwang ng Republika ng Pilipinas ang Araw ng Kalayaan. Sa pagbukas mo ng telebsiyon ay matutunghayan mo ang lahat ng mga napapanood (balita man o maging mga programang pang-aliw) na bumabati ng "Maligayang Araw ng Kalayaan sa inyong lahat!" Taun-taon, isandaan at labing-isang beses na nating ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan. Naglalagay tayo ng mga bandila sa harapan ng ating mga sambahayan upang gunitain ang Araw ng Kalayaan taun-taon. Nagpapaskil ng mga "Pilipinas kong Mahal posters" ang gobyerno sa mga pangunahing lansangan sa bansa para muli sa Araw ng Kalayaan taun-taon. Pero pagkatapos ng isandaan at labing-isang taon mula noong unang iwagayway ng unang pangulo ng republika ng Pilipinas (na siya ring pumaslang sa nagpasimula ng KKK) ang ating unang watawat sa balkonahe ng kanyang bahay sa Cavite, kailan ba natin ipinagdiwang ang Araw ng Kasarinlan?

Maaaring maraming magtaka, "E ano ba'ng ipinagkaiba ng Araw ng Kalayaan mula sa Araw ng Kasarinlan?" Simple lamang ang aking sagot. Pwera sa nakahilig ang mga titik ng Araw ng Kalayaan at nakadiin naman ang sa Araw ng Kasarinlan ay magkaibang-magkaiba ang kanilang mga kahulugan.

Simulan natin sa nakasanayan nang tawag sa ikalabindalawa ng Hunyo: Araw ng Kalayaan. Isandaan at labing-isang taon na raw ang nakalilipas nang tayo'y lumaya. Ano ba ang ibig sabihin ng isang taong malaya? Ang pagiging malaya sa kabuuang kahulugan nito ay ang karapatang pumili. Ang isang malayang tao ay may karapatang pumili sa kung ano'ng kanyang nais. Kung sasabihing noong Hunyo 12, 1898 lamang tayo lumaya, ibig ba noong sabihin ay hindi natin kayang pumili bago pa man nagdeklara ng pagsasarili si Emilio Aguinaldo? Tingin mo ba'y ang mga Indio noon ay kailangan pang magtanong sa kanilang Gobernador kung ano'ng kulay ng isusuot niyang salawal para sa isang araw? Sa pagiging malaya, hindi tayo naging malaya lamang dahil iwinagayway na ni Aguinaldo ang ating bandila sa kanyang balkonahe. Malaya na tayo simula pa lamang nang ang bawat isa sa atin ay ipinanganak. Kahit nga si Adan ay may kalayaan na. Kahit pa pinagbawalan siyang kumuha ng prutas mula sa puno ng karunungan at kaalaman ay nagkaroon siya ng kalayaang mamili. At pinili niyang sundin ang ahas kaysa sa maging masunurin sa Ama.

Samakatuwid, mas marapat na gamitin tuwing ika-12 ng Hunyo ang mga katagang Araw ng Kasarinlan. Isandaan at labing-isang taon na ang nakalilipas nang magdeklara ng kasarinlan si Aguinaldo sa kanyang balkonahe. Hindi siya kailanman nagdeklara ng kalayaan. Sa loob ng talondaan at talumpu't tatlong taon ay hindi nakapagsarili ang bansa. Nasa ilalim tayo ng pamamahala ng mga Kastila hanggang sa nagpasya tayong kailangan na nating magsarili bilang isang bayan. Bago pa man tayo masakop ng Espanya, hindi tayo iisang bayang may kasarinlan ngunit hiwa-hiwalay tayo't may sari-sariling mga pamahalaan. Kung kaya't ang Hunyo 12, 1898 ang nagtakda ng kasarinlan ng isang bagong bayan, ang Pilipinas. Ang pagsasarili ay pagtayo sa ating mga sariling paa. Kung baga, higit sa tatlong siglo tayong nakaangkas sa karwahe ng Espanya. Noong 1898, nagpasya na ang ating mga ninunong bumaba ng karwahe at magsimula nang maglakad nang mag-isa. Nakapagsarili na tayo.

Bakit pa ba natin kailangang baguhin ang pagkakamali sa paggamit ng Araw ng Kalayaan? Tutal lahat naman ay ito ang ginagamit, bakit hindi na lang hayaan nang gayon? Hindi man batid ng karamihan ang tama, hindi pa rin nagpapatama sa mali ang dami ng gumagawa nito. Lahat man ng mga konggresista sa Kamara ang tiwali, 'di pa rin tama ang maging tiwali. Lahat man ay bumabati ng isang Maligayang Araw ng Kalayaan, nais kong batiin ang lahat ng isang Maligaya at Makahulugang Araw ng Kasarinlan!

Tuesday, June 9, 2009

Sa Loob ng Magandang Kweba


Pumasok ako sa isang kweba
Sa loob ay kay rikit at kay ganda
Kaya nga lang ay may problema
Ito nga't sasabihin ko na

Ang aking bawat galaw
Sa kweba'y umaalingawngaw
Pati bulong ko sa balintataw
Ay nagmimistulang sigaw

Pagtapak sa buhangin
Buong kweba'y aalugin
Ang kisameng dumihin
Wari'y lilinisin

Lahat ng bumagsak na alabok
Sa'ki'y nagtumpok-tumpok
Maging mga matatalas na bato sa sulok
Aba'y sa'kin nga'y bumatok

Kahabag-habag ka ngang talaga
O kwebang kumakanta-kanta
'Di ng mga bagay na mahahalaga
Bagkus ay wala pa ngang kwenta

Ito, mga kaibigan, ang una kong pagtatangkang gumawa ng kayamanan mula sa kalabuan. 'Di ko alam kung naging epektibo o kung naipahayag ko nga ang nais kong sabihin sa isang pamamaraang mainam, sana naman kahit papa'no'y naging ayos. Sana nagustuhan niyo rin.

Para lang makatulong sa pagsusuri, ang nag-udyok sa aking isulat ito ay 'yung nangyari kanina lamang. Napadaan kami sa isang nasusunog na bahay sa Marikina habang pauwi. Nagkandatrapik-trapik ang mga bumbero at pati kami sa kapal ng tao ---nakikiusisa lang. Bigla tuloy pumasok sa isip ko ang Hayden Camera Sex Scandals at 'yung mga panlalait 'di umano ng mga banyaga sa ating lahi. Ayun, siguro naman gets na gets niyo na ibig kong sabihin. :p