Thursday, June 11, 2009

Kalayaan vs. Kasarinlan


Taun-taong ipinagdiriwang ng Republika ng Pilipinas ang Araw ng Kalayaan. Sa pagbukas mo ng telebsiyon ay matutunghayan mo ang lahat ng mga napapanood (balita man o maging mga programang pang-aliw) na bumabati ng "Maligayang Araw ng Kalayaan sa inyong lahat!" Taun-taon, isandaan at labing-isang beses na nating ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan. Naglalagay tayo ng mga bandila sa harapan ng ating mga sambahayan upang gunitain ang Araw ng Kalayaan taun-taon. Nagpapaskil ng mga "Pilipinas kong Mahal posters" ang gobyerno sa mga pangunahing lansangan sa bansa para muli sa Araw ng Kalayaan taun-taon. Pero pagkatapos ng isandaan at labing-isang taon mula noong unang iwagayway ng unang pangulo ng republika ng Pilipinas (na siya ring pumaslang sa nagpasimula ng KKK) ang ating unang watawat sa balkonahe ng kanyang bahay sa Cavite, kailan ba natin ipinagdiwang ang Araw ng Kasarinlan?

Maaaring maraming magtaka, "E ano ba'ng ipinagkaiba ng Araw ng Kalayaan mula sa Araw ng Kasarinlan?" Simple lamang ang aking sagot. Pwera sa nakahilig ang mga titik ng Araw ng Kalayaan at nakadiin naman ang sa Araw ng Kasarinlan ay magkaibang-magkaiba ang kanilang mga kahulugan.

Simulan natin sa nakasanayan nang tawag sa ikalabindalawa ng Hunyo: Araw ng Kalayaan. Isandaan at labing-isang taon na raw ang nakalilipas nang tayo'y lumaya. Ano ba ang ibig sabihin ng isang taong malaya? Ang pagiging malaya sa kabuuang kahulugan nito ay ang karapatang pumili. Ang isang malayang tao ay may karapatang pumili sa kung ano'ng kanyang nais. Kung sasabihing noong Hunyo 12, 1898 lamang tayo lumaya, ibig ba noong sabihin ay hindi natin kayang pumili bago pa man nagdeklara ng pagsasarili si Emilio Aguinaldo? Tingin mo ba'y ang mga Indio noon ay kailangan pang magtanong sa kanilang Gobernador kung ano'ng kulay ng isusuot niyang salawal para sa isang araw? Sa pagiging malaya, hindi tayo naging malaya lamang dahil iwinagayway na ni Aguinaldo ang ating bandila sa kanyang balkonahe. Malaya na tayo simula pa lamang nang ang bawat isa sa atin ay ipinanganak. Kahit nga si Adan ay may kalayaan na. Kahit pa pinagbawalan siyang kumuha ng prutas mula sa puno ng karunungan at kaalaman ay nagkaroon siya ng kalayaang mamili. At pinili niyang sundin ang ahas kaysa sa maging masunurin sa Ama.

Samakatuwid, mas marapat na gamitin tuwing ika-12 ng Hunyo ang mga katagang Araw ng Kasarinlan. Isandaan at labing-isang taon na ang nakalilipas nang magdeklara ng kasarinlan si Aguinaldo sa kanyang balkonahe. Hindi siya kailanman nagdeklara ng kalayaan. Sa loob ng talondaan at talumpu't tatlong taon ay hindi nakapagsarili ang bansa. Nasa ilalim tayo ng pamamahala ng mga Kastila hanggang sa nagpasya tayong kailangan na nating magsarili bilang isang bayan. Bago pa man tayo masakop ng Espanya, hindi tayo iisang bayang may kasarinlan ngunit hiwa-hiwalay tayo't may sari-sariling mga pamahalaan. Kung kaya't ang Hunyo 12, 1898 ang nagtakda ng kasarinlan ng isang bagong bayan, ang Pilipinas. Ang pagsasarili ay pagtayo sa ating mga sariling paa. Kung baga, higit sa tatlong siglo tayong nakaangkas sa karwahe ng Espanya. Noong 1898, nagpasya na ang ating mga ninunong bumaba ng karwahe at magsimula nang maglakad nang mag-isa. Nakapagsarili na tayo.

Bakit pa ba natin kailangang baguhin ang pagkakamali sa paggamit ng Araw ng Kalayaan? Tutal lahat naman ay ito ang ginagamit, bakit hindi na lang hayaan nang gayon? Hindi man batid ng karamihan ang tama, hindi pa rin nagpapatama sa mali ang dami ng gumagawa nito. Lahat man ng mga konggresista sa Kamara ang tiwali, 'di pa rin tama ang maging tiwali. Lahat man ay bumabati ng isang Maligayang Araw ng Kalayaan, nais kong batiin ang lahat ng isang Maligaya at Makahulugang Araw ng Kasarinlan!

No comments:

Post a Comment