Thursday, July 16, 2009

Ang Araw na Naging Libre ang Lahat

Isang araw ay nagising ako at binuksan ko ang telebisyon. Bumati sa akin ang mukha ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Matangkad na si Gloria at wala na siyang nunal sa mukha. Idineklara niya ang Pambansang Araw na Libre ang Lahat. As in lahat.

'Di pa man ako naghihilamos ni nagsasalawal ay tumungo ako sa pinakamalapit na mall. Pagdating ko'y bukas na kaagad ang lahat ng tindahan at nagkakagulo ang lahat ng tao. Sa akin pagpasok, nakasabay ko ang tatlong lalaking gusgusin ang damit. Ang isa'y may kasama pang anak na pinapasuso ng kaniyang ina. Ang isa nama'y kasama ang kaniyang kasintahang kahawak pa niya ng kamay. Ang isa nama'y kasama ang kaniyang inang uubo-ubong animo'y isusuka na niya ang kaniyang baga.

'Di ako nakigulo sa mga tao at sinundan ko ng tingin ang tatlo. Nauna kong nakita ang lalaking kasama ang kaniyang kasintahan. Agad silang dumiretso sa mga alahero. Sabik nilang kinuha ang mga alahas na may pinakamalalaking mga bato at brilyante. Masaya nilang sinukat ang mga alahas at dinala ang lahat ng kaya nilang dalhin.

Samantala'y namataan ko naman ang lalaking nagdala ng kaniyang inang mamatay na sa kauubo. Dumiretso sila sa tindahan ng gamot at doo'y binili ang lahat ng gamot na kailangan ng kaniyang ina. Ipinakita nila ang reseta ng doktor at narinig kong hiningi nila ang isang taong supply ng gamot ng kaniyang ina.

Naulinigan ko kaagad ang lagaslas ng mga makina sa mga palaro sa aking tabi. Nakita ko roon ang lalaking dala-dala ang kaniyang mag-ina. Sinubukan nilang sakyan ang lahat ng rides na gusto nilang masakyan. Tuwan-tuwa 'di lamang ang kanilang anak kundi pati ang mga magulang.

'Di ko na tinapos ang tanawing ito dahil kumapal pa nang kumapal ang tao kung kaya't umuwi na lang ako. Kinabukasan, bumalik ako sa parehong mall upang bumili ng cartolina para sa proyekto namin sa Sipnayan. Nakita ko ang lalaking nagdala ng kaniyang kasintahan. Tumataghoy siya at nagwawala sa harap ng mall. Nilapitan ko siya at tinanong kung bakit kahapon lamang ay kasama niya ang kaniyang kasintaha't masaya sila, habang ngayo'y nagwawala siya. Doo'y natuklasan kong pagkagising ng lalaking yao'y wala na ang kaniyang mga alahas. Ang masaklap pa rito'y wala na rin ang kaniyang kasintahang kagabi lamang ay katabi niyang matulog.

Agad kong hinanap ang dalawa pang lalaki. Nakita ko ang lalaking kasama ang kaniyang ina kahapon. Nasa harap siya ng banyo sa loob ng mall at tumataghoy rin. Natuklasan ko namang namatay pala kinagabihan ang kaniyang ina at nabalewala ang kanilang pagpunta kahapon upang bumili ng gamot.

Maya-maya pa, habang pababa ako ng hagdan ay namataan ko ang lalaking nagdala ng kaniyang mag-ina. Kitang-kita ang kasiyahan sa kanilang mga mukha. Lumapit ako at nagtanong kung bakit sila masaya gayong wala naman sila halos kinuha kahapon. Simple lang ang tugon ng ama, "Iyon lamang ang pagkakataong nakapagsaya kami ng aking mag-ina. Iyon ang naging pinakamasayang araw sa buhay namin ng pamilya ko."

Maganda ang maghangad. Maganda ang magsikap. Ngunit alalahanin nating magsikap para sa mga tamang bagay. Hindi tayo dapat magsikap para sa mga bagay na maya-maya pa'y maaaring maparam. Hindi tayo dapat magtiwala sa BUKAS dahil wala tayong magagawa kundi bunuin ang ating NGAYON. Simple lamang ang hamon sa atin ng buhay na ito, kaibigan. Hindi tayo binuhay upang mabuhay nang matagal kundi binuhay tayo upang mabuhay nang masaya. Ano ba'ng mas nanaisin mo? Isang napakahaba ngunit napakapanglaw na buhay o isang araw lamang ng buhay nang nagawa mo ang lahat ng gusto mong gawin?

Sa tatlong taong gusgusin, sino ka?

No comments:

Post a Comment