Friday, May 8, 2009

Ang Diamond Batch ng Matyo

Noong isang araw ay nagkaroon kami ng munting salu-salo. Reunion sana ang nais kong itawag dito kaya nga lamang ay kakaunti nga lang ang pumunta. Apatnapu't dalawa ang aming inanyayahan. Dalawampu't apat naman ang umoo at nangakong sila'y dadalo at labing-anim lamang ang nagpunta. Naging matagumpay naman ang reunion na ito kaya nga lamang ay may ilang hind nadaliang makipagkapwa.

Dalawang oras bago mag-alas-dos ay umaraw matapos ang buong umaga ng pag-ulan. Una kong ginawa ay ang sindihan ang kandila sa may altar at magdasal. Sana 'ka ko'y 'wag umulan. Mag-aalas-dos na't 'di pa rin tumitila ang ulan. Karamay ko si Bennete sa may labas at nananalangin akong tumigil na ang ulan. Huminto namana ito nang bahagya pag-alis ni Bennete upang samahan si Reia na bumili ng cake sa Primablend. Dumating naman si Jose para sunduin ako't bibili na kami ng ice cream. Dumiretso na rin kami sa McDo para naman sunduin si Nydjelle at Megumi na 'di pa alam ang patungon bahay. Naratnan namin doon si Pau. Naalala ko nga palang si Pau na lang daw ang maghihintay at maghahatid kina Nydj sa bahay. Ang galing ko talagang makaalala. Medyo nagtataka rin ako kay Nydjelle dahil nga soibrang tahimik nito sa kanyang pagdating. Wala rin si Louinne na dapat ay kasama niyang pupunta. Habang nag-uusap kami sa McDo ay pinipilit ko talagang isali ang bespren ko ring si Nydj sa usapan. Nagre-respond naman siya sa mga hirit ko kaya lang nakukulangan ako. Nagi-guilty tuloy ako't mukhang kasalanan ko pa kung bakit ganito.

Tumulak na kami sa bahay at naunahan pa ako ng mga bisita sa mismong bahay ko. Buti na lang at naroon si BEnnete at siya raw muna ang nag-asikaso sa kanila. Sa una, nataranta ako't ang dami nilang dala. Kaya naman inihanda ko na ang mga dala nila sa mesa. 'Yun nga lang ay ayaw pa nilang kumain. Sinubukan pa nga naming tumawag ng ilan pang umoo ngunit 'di naman dumalo. Nariyan si Kenneth Roy na tinawagan ni Bryan. Sa pag-uulinig ko sa kanilang usapan, mukhang dumami nang dumami ang dahilan ni Kenneth habang sila'y nag-uusap. Natawa na lang ako at sinabi ko sa aking sarili, "Kung ayaw, sandamukal nga naman ang mga dahilan!" 'Di rin naman lahat ng tinawagan namin ay puro dahilan na lamang ang sinabi sa amin. Nariyan ang bespren kong si Je. Nangako siyang magdadala ng dalawang bote ng supdrinks. At least dumating siya matapos ang isang oras ng paghihintay. Nagdala siya ng dalawang bote: isang Sprite at isang Royal na dumiretso agad sa cooler.

Muntik ko na ring malimutan ang nakakakilig love story ni bespreng Jose (ang dami kong bespren no?haha.) at ni Kweng. Pagkagaling namin ng GrocerE, hindi lang ice cream ang hinanap namin. Naghanap din kami ng Toblerone na inabonohan ko pa ng singkwenta pesos. 'Yun naman ang ipinaabot ni Jose sa akin nang dumating si Raenee at Maricar. Sila pa nga 'yung mga 'di ko inaasahang dadalo pero sila pa'tong nag-abalang gumawa ng Maja Blanca! Pero buti na lang at maarte si Kweng. Nag-requesti siyang si Jose na mismo'ng magbigay sa kanya. Kaya naman ibinalik ko ang tsokolate kay Jose. Kaya nga lang sa aking katakawan, 'di ko nasaksihan ang makasaysayang pangyayaring nagpang-abot si Jose at Raenee. Kumukuha ako ng isang damuhong ng pansit nang nagtilian sila sa may sala. Pagdating ko, isa lang ang nasabi ko, "Ano'ng nangyari?"

Sa isang banda, habang natataranta ako sa pagkain at pag-e-entertain sa kanila'y inaalala ko sina Alex, Clang at ang kambal. Para bang mayro'ng mali sa ginagawa ko't 'di sila nakikisali sa amin. Maya-maya pa'y lumabas na ang apat na nagdala ng Tikoy at ng kalaunan-ko-na-natagpuang junk food. Ayon nga raw sa pinsan ni Nydj na kasmaa niyang pumunta na naroroon lamang sa labas, ayaw raw namin silang papasukin at OP raw sila. 'Di ko ba alam kung ano'ng naging pagkukulang namin kung bakit nagkagayon. Nagdesisyon na lang kaming maglaro sa labas. Ipinaikot ko ang mga upuan at doo'y magtu-Truth or Dare sana kami at ang pinauso ni Jonas na Sensitivity Game noong class night ng 2M. Kaya nga lang ay ayaw na nilang sumama at nagpasya na silang umalis. Wala na naman akong magagawa at nagpaalam nalang din ako. Nakausap ko naman si Clarence kani-kanina lang sa YM at naintindihan ko kung ano'ng nangyari. May ilang mga bagay lamang na hindi niya o nilang maatim sa grupo. Iginagalang ko naman yaon at at least ay okey na ang lahat sa amin.

Inihatid na namin pagkatapos ng ilang oras na kuwentuhan ang kababaihan ng grupo liban kay Adeline. Alas-singko pa lamang no'n nang ihatid namin sila sa kanto upang makasakay. Tumawid na si Nydj at ang kanyang pinsan nang ipaalala ni Bennete na hindi namin napakain 'yung kasama ni Nydj. My God! Pero 'di rin naman tamang pabalikin pa namin sila kung kaya't tumawag na lang ako kay Nydj kinagabihan habang nag-aayos ng upuan upang humingi ng paumanhin.

Pagbalik, tuluy-tuloy ang kasiyahan ng kalalakihan. Kasama syempre riyan si Adeline. Nanibago rin ako kay Bryan. Ang dating Bryan Trinidad na aking kilala ay para bang wala na. Ang dating napakaingay at kengkoy na Bryan ay naging isang tahimik at nasa-isang-sulok na lamang na gitarista. Pero nang kami-kami na lamang ang naiwan, naroon na ulit ang Bryan na nakilala ko. Isang palatawa, maingay at makulit na Bryan Trinidad. Maya-maya pa'y nakarinig ako ng sigawan sa may dead end ng aming kalye. Kinabukasan ko na lamang nalamang may nangyari na naman pala sa aming kasambahay na doon nga sa compound na yaon nakatira. Kay lusog nga ng aming diskusyon: mula kay Manny Pacquiao ay napunta kay Charise (tama ba spelling ko?) Pempengco, kay Oprah, Scary Movie at hanggang kay Batista. Habang nagkukuwentuhan ay napagdiskitahan naman nio Adeline na lamutakin ang cake na dala ni Reia. Sinulutan pa nga niya ng espesyal na Tikoy (na hanggang ngayo'y 'di ko pa rin malaman kung Tikoy ngang talaga dahil 'di ko pa rin natitikman) ang isang slice nito. Buti na lang 'ka niyo at pagkain ko kanina niyaong natiraay wala na 'yung Tikoy.

Pagka-upload ko ng mga larawan kinagabihan sa Multiply, napag-isip-isip kong binyagan ang batch na ito bilang Diamond Batch ng Matyo. Ayon na rin sa ate ni Nydj na kanyang kasama, kahit na raw anim na taon siyang lumagi sa Matyo bilang mag-aaral ay 'di na raw sila halos nagpapansinan ng kaniya mga batchmates samantalang si Nydj naaman daw ay dalawang taon lamang sa amin piling ngunit kasama pa rin niya kami. Kahit nga ang aking tatay at ang aking lola ang namamangha sa tibay ng aming pagsasamahan. Marami rin akong naririnig na kuwento mula sa sumunod na mga batch sa aming madalas nga raw kaming ikumpara sa kanila. Katulad na lamang ng isang diyamante, kami ang mga carbon mmolecules nitong siksik na siksik ang pagkakadikit na sa sobrang pagkakadikit nito'y naging pinakamatibay na elemento sa dagidig ang diyamante. Isa rin ito sa mga pinakamahahalaga't pinakamahal na mga bato. Parang kami lang? Ngunit isang sikreto ng mahalagang batong ito ay ang napakatagal na pagkakababad sa tunaw na bato sa kailaliman ng lupa parang ang aming samahang ibinabad nang matagal sa kailaliman ng napakaraming mga karanasang siya ring humubog sa amin bilang kung sino kami sa ngayon. Wala ring ibang bagay ang makasisira sa isang diyamante kundi ang sarili nito. Wala rin namang makasisira sa aming samahan kundi kami rin mismo.

Nakikita ko na ang napakaliwanag naming bukas na magkakasama't magkakaakbay tungo sa iisang mithiin: ang paunlarin bansang ito.

1 comment:

  1. chariCe dude... ^_^

    sulit naman pala ang pagod mo eh. :))

    ReplyDelete