Monday, May 18, 2009

Isa akong Indio, 'yan ang Totoo!

Kumakain ako ng pritong manok at Lucky Me noodle soup at natripan kong buksan ang TV sa may kusina. Habang nilalasap ko ang mga hibla ng noodles at ang malansang balat ng manok na prinito't hirap na hirap akong kamayin ang kaning sinabawan, nanlilisik ang mata ko sa napakaliit naming tv screen (6 inches lang naman). Akala ko'y 24 Oras pa pero Zorro na pala. Wala na naman akong choice dahil siete lang ang may matinong palabas sa amin (mahina ang signal ng dos).

Ang eksena noo'y ang pagpapakasal nina Rhian at Antonio (Richard). Kahit kailan talaga'y kabigha-bighani ang ganda ni Rhian Ramos. Pero hindi yaon ang nais kong ibahagi sa inyo. Nagsisimula na ang kasal noon (sana ako na lang si Richard) nang biglang may tumutol na babaeng nakaitim na belo (kasi nga raw ako ang dapat nasa lugar ni Richard!). Hindi raw Espanyol si Richard at anak lamang daw ito ng isang Indio. Itinuro ng babaeng nakaitim na belo ang isang Indiong nakaputing belo sa likuran ng simbahan. Ipinadakip ng ama ni Richard ang babaeng nakaputing belong inakusahang ina ni Richard ngunit tinutulan ito ni Antonio (si Richard nga). Umamin siyang matagal na niyang alam na isa siyang Indio at hindi naman ang babaeng nakaputing belo ang tunay niyang ina. Nang malaman ito ng kanyang amang (alam kong minahal siyang tunay) ay itinakwil niya ura-urada si Richard at hindi natuloy ang kasal (dahil nga ako dapat ang magiging asawa ni Rhian!). Hinatak na si Rhian ng kanyang mga magulang pauwi. Pag-upom-pag-upo ng kanyang ina sa bahay ay bumulalas ito, "Hay naku, muntik na nating maipakasal ang ating anak sa isang Indio! Buti na lamang at nalaman kaagad natin ang katauhan ng Antoniong (si Richard) iyan. " Sumagot naman ang kanyang asawa, "Aba'y kung banggitin mo ang salitang Indio'y para bang isa itong nakahahawang sakit!" Buong giting namang sinang-ayunan ito ng kanyang esposa, "Eksaktamente! Muntik nang mahawa ang ating pamilya sa Indiong yaon!"

Pagtawanan na ninyo ako pero sa totoo lang at nasaktan ako. Oo, nasaktan ako. Naaawa ako 'di lang kay Antonio kundi mismong sa aking ganang sarili. Naaawa ako sa aking sarili, sa aking lahi. Naihalintulad ko tuloy si Richard kay Crisostomo Ibarra. Kay lupit nga naman ng tadhana sa kanilang dalawa. Mali pala, sa atin. Hindi ko lubos maisip kung gaano ang pandidiri ng mga Kastila noon sa atin gayong nakatira sila sa ating lupain.

Siguro nga'y isa ito ang pangunahing dahilang kung bakit mayroong napakababang self-esteem (tama ba'ng spelling ko?) ng mga Pilipino. Siguro ang tatlong siglo ng pangmamaliit at pang-aaglahi ng ibang lahi sa ating mga ninuno ang nagtulak sa pag-usbong ng kaisipang kolonyal na nakaugat na sa puso ng bawat tao sa bayang ito. SIguro sa loob ng tatlong siglong iyo'y maraming nagsabi, "Sana'y hind ako ipinanganak na Indio." Sana naging Kastila ako. Sana marunong akong mag-Espanyol. Sana naging Amerikano ako. Sana marunong akong mag-Ingles. Ayoko nang mammilipino't tanda ito ng pagiging Indio ko. Ayoko nang maranasan pang maliitin muli ng ibang lahi. Gusto kong maging hindi ako.

Sa totoo lang, nakatiklop pa rin ang mga mata natin. Tapos na ang panahon ng Kolonyalismo mga kapatid. Wala nang ibang bansang maaaring sumakop sa atin. Malaya na tayo. Kung kaya't wala nang bansang tatapak muli sa ating pagka-Pilipino. Wala nang dayuhang nang-aalipin sa atin ngayon. E ano 'tong kaguluhan ngayon sa atin? Hindi ang VFA ang dapat sisihin. Walang kinalaman ang Amerika sa kasalukuyang kalagayan ng bansa ngayon. Wala nang ibang lahing umaalipin sa atin ngayon kundi tayo. Kung dati'y dirin-diri ang mga Kastila sa atin dahil tayo'y hamak lamang na mga Indio, ngayo'y iba na. Tayo na ang umaalipin at umaaglahi sa ating mga sarili. Tayo na mismo'ng nahihiya sa sarili nating bayan. Tayo mismo.

Sabihin mo sa akin ngayon kung paano makalilipad ang isang mumunting mayang iginagapos ang sarili niyang mga paa at saka aalpas. Sabihin mo sa akin ngayon kung paano uunlad ang isang bansang ikinahihiya ang sarili niyang wika at saka magrereklamo, "Bakit ganito tayo?"

Mag-isip ka, kaibigan (kung ako ba dapat ang ikasala kay Rhian). Kabilang ka ba sa mga gumagapos sa mga paa ng bansang ito? O isa ka sa nagpuupumilit na palayain ang ating bayan mula sa pagkakakadena nito sa sarili niya? Ikaw lang ang makakasagot. Hindi sa pamamagitan ng pag-amin kundi sa kung ano'ng nais mong gawin. Ipagsigawan mo sa buong mundong, "Isa akong Indio, 'yan ang totoo!"

4 comments:

  1. asa ka pang pakakasalan ka ni rhian. di ka pa nga legal age eh. =))

    ReplyDelete
  2. haha.oo nga naman. pangarap ko na lang siya.hahaha.=))

    ReplyDelete
  3. Goodluck kay Rhian mo:) Yikeee♥ Hahaha:))

    ReplyDelete
  4. maraming salamat sa'yo erika.haha.:p

    ReplyDelete