Sunday, May 3, 2009

Required ba 'yan?

Isipin mo kung lahat ng bagay ay required. Ano kaya'ng magiging resulta? Maganda kaya? Ano kaya kung required ang lahat ng taong matulog nang 8 oras kada araw at papaslangin ang sinumang lumabag. Tingin mo, maganda kaya'ng kalalabasan?

Nagpaalam ako noong nakaraang biyernes para sa Synergy Night ng Serye Kabataan-COC sa OSA kay mama at nanay. Ang unang tinanong ni mama, "Required ba 'yan?" Syempre pa'y sumagot ako ng hindi. "Hindi naman pala required e, bakit ka pa pupunta?" Napaisip ako. Kailangan pa nga ba talagang i-require ang lahat ng bagay para lang mapilitan kang gawin ito? Kailangan pa ba tayong kahunan at bakuran ng lipunan para lamang gawin ang nararapat?

Magandang tanungin sa atin ngayon, "Bakit ka ba nag-aaral?" Nag-aaral ako dahil gusto kong makatapos. Nag-aaral ako dahil gusto kong magkaro'n ng mariwasang pamumuhay balang araw (bullet day). Nag-aaral ako dahil gusto kong sundan ang yapak ng mga magulang ko. Nag-aaral ako dahil required. Hindi ako tatanggapin sa trabaho kundi ako nakapag-aral. Hindi ako makakapagpayaman kundi ako nakapagtapos. Kailan mo ba inasahan ang batang sumagot ng, "Nag-aaral ako dahil nais kong matuto." Karamihan siguro sa mga mag-aaral ngayo'y nag-aaral lamang dahil ito ang hinihingi ng lipunan sa kanila. Pero kailan nga ba nating masasabing hindi ka nag-aaral dahil requirement ang mag-aral?

Napakarami ring panahon kung saan 'di natin ginagawa ang alam nating bawal kapag walang nakakikita. Required kang hindi gawin yaon kung syempre, may manghuhuli sa'yo. Katulad na lamang ng mga pinsan ko. Bawal silang uminom ng softdrinks. Pinagbabawalan sila ni mama (lola namin). Samantalang pumapasok sa trabaho si mama at maiiwan ako at ang mga pinsan ko sa bahay, tomahan na kami ng softdrinks. Oo, inaamin ko, nakakasabwat nila ako paminsan-minsan ngunit ginagawa lang ba natin ang mga bagay-bagay dahil natatakot tayong mahuli o dahil alam nating ito'y makabubuti sa atin?

Sa una ko namang sulyap sa Komunismo, napakaganda ng ipinakikita nitong larawan sa akin. ISang napakaunlad na bansa at estado ang ipinatutunghay nito sa akin. Sa pag-aaral ng Komunismo sa AP noong nakaraang taon, nakumbinsi ako nang panandaliang ito na nga ang hinihintay na sagot sa lahat ng suliranin ng ating bansa. Nang mabasa ko ang huling talumpati ni Pang. Magsaysay (na aking isinalin na rin sa Filipino), nakita ko ang kabilang mukha ng Komunismo. Maunlad ngang bansa ang maibubunga nito ngunit papatayin naman nito ang demokrasya sa ating Pilipinas. Isa muling tanong ang pumasok sa aking isip. Kailangan pa ba talaga ng Komunismo para maging disiplinado ang mga mamamayan? Kailangan pa bang ikadena ang lahat para lamang makapag-ambag sa ikauunlad ng bansa? Mas nanaisin ba natin ng isang bansang kay layo na ng iniunlad na may mga nagtutulungang mga mamamayang nakakadena ang mga bisig o isang bansang kay layo na ng narating na may mga nagtutulungang mga mamamayang nagkukusang mag-ambag tungo sa kaunlaran?

Isipin natin. Kailan kaya darating ang panahon kung saan magbibigay ka ng tinapay sa pulubi sa kalye hindi dahil required ang good deeds para mapunta kang langit kundi dahil ninais mong tumulong? Kailan kaya darating ang panahon kung saan hihinto ang lahat ng sasakyan kapag nakapula ang traffic lights hindi dahil may MMDA na nakabantay kundi dahil para makatawid ang mga pedestrian? Nasa sa atin iyon. Ire-require mo lang ba ulit ang sarili mo upang mag-ambag sa kaunlaran ng bansang ito o mag-aambag ka sa kaunlaran dahil mahal mo ang lupang iyong tinubuan?

No comments:

Post a Comment